09/07/2020
Credits to Doc Andre Garcia. Hihiramin ko lang po ang information nato.
Para sa mga problema sa sisiw Heto na ang sagot.
Para sa mga kasabong at mga Ka Mad na nagtatanong at pinanghihinaan ng loob dahil sa pagkakasakit ng kanilang mga palahing mga sisiw na matagal nilang pinaghirapan, atin pong tatalakayin ngayon ang pag PRIMING o pagpapalakas ng IMMUNE SYSTEM ng mga sisiw. Unang -una po, nais ko lang ipa-alala sa inyo na sa sobrang dami ng pagsalin-salin ng mga linyada na hindi maayos na napapangalagaan bago sila ma-isalang sa kastahan, ay sari-sari ring mga likas na sakit na dala-dala nila galing pa sa mga ninuno ang kanilang mamanahin at isasalin sa kanilang mga lahi. Halimbawa, mga lahing talagang madaling tamaan ng coryza, coccidia, at meron din likas na nagdadala ng sakit at naililipat sa mga anak sa itlog pa lamang (vertical transmission) tulad ng salmonella (taeng puti), at maging ang madalas na pumatay ng mga sisiw, ang Mycoplasma na siyang sanhi ng CRD o chronic respiratory disease. Malungkot mang aminin na ang kadalasang biktima nito ay ang mga backyard breeders at beginners na basta na lamang pumapasok sa pagpapalahi na wala masyadong preparasyon. Gayun pa man, kung tayo ay nakapagumpisa ng magparami ng mga halo-halong lahi na walang kasiguruhan kung saan nanggaling, ngunit magagaling din naman lumalabas ang mga anak at nagpapanalo, lalong mas mahalaga na mag-priming ng immune system ng mga sisw at kasama na rin po ang mga disease preventing medications na "dapat" na maibigay sa kanila upang maging malusog at makaiwas sa mga sakit. Ang natural immunity o ang likas na tibay ng sisiw mula sa pagpisa ay 4-7 days, ngunit sa panahon ngayon na laganap na ang mga sakit sa manukan at ang hindi magandang klema (climate) na kung saan ay matindi ang init at malalakas ang hangin at ulan, nararapat lang na magumpisa ng maaga na palakasin ang immune system nila at mabigyan ng mga makabagong mga gamot na inihahalo sa tubig para labanan ang mga nakamamatay na infections o mikrobyo. Ang mga mikrobyong ito na matagal na rin nating ginagamitan ng mga sari-saring gamot ay nakukuhang maging matibay at tuluyang maging immune sa mga maka-lumang gamot (antibiotics) na ating ginagamit maraming taon ng nakararaan.
Matapos mapisa ang mga itlog, maganda na akay sila ng inahin kung maari lalo na kung ang brooder ay hindi gaano kagandahan. Sa folding na limbering pen na may takip sa ibaba para hindi makalabas ang mga sisiw, maganda sila ilagay kasama ang kanilang inahin. Dito mas matibay sila sa sakit at natural na init ng katawan ng inahin ang magko-kontrol ng temperatura kaya matipid din sa ilaw. Maglagay ng malapad na kainan na hindi kayang kahigin ng inahin para hindi kumalat at sumayad sa lupa ang patuka at ilagay ito sa gitnang bahagi ng folding pen. Maaari din alisin sa gabi ang kainan. Siguraduhin din na walang makakapasok na daga o pusa sa loob ng pen. Kung maganda naman at maaliwalas ang brooder na may magandang kalat ng init at bentilasyon, kasama na rin ang harang sa mapaminsalang hangin, ay maari ring ihiwalay sila sa inahin sa unang araw pa lang ng pagkapisa. May sapin na dyaryo ang sahig at kalat o nakasaboy lang sa sahig ang patuka na pre-starter or chick booster sa loob ng pito hanggang sampung araw bago tanggalin ang sapin sa sahig at ilagay na sa pakainan ang patuka. Ang pa-ilaw sa brooder ay dapat na pahaba (flourescent lamp) at maliwanag na may katamtamang init, mga 6-7 inches ang taas sa sahig sa unang linggo at gradual na naitataas kapag lumalaki na ang mga sisiw. Ang taas ng brooder mula sa lupa ay dapat na hindi bababa sa 2 1/2 - 3 ft. para hindi sila abutin ng singaw ng kanilang ipot o dumi na mayaman sa ammonia na maaring makapinsala sa kanilang kalusugan lalo na sa mga mata.
Akay man ng kanilang inahin o nasa brooder, ang mga sisiw ay dapat na masuplementuhan ng mga gamot na nagpapalakas ng kanilang immune system at mga gamot na may kakayahang lumaban at mapigilan lumaganap ang mga mababagsik na infection tulad ng coryza, coccidia, salmonella, mycoplasma (crd), fowl cholera at iba pa. Sa unang 2 araw, malinis na tubig lang muna ang kanilang inumin at maari ng magumpisang bigyan sila mga water soluble antibacterials tulad ng RESPIRAX na inihahalo sa tubig inumin sa ika-tatlong araw. Sasalitan ito sa kada araw o sa tuwing mauubos ang timpla sa painuman, ng SET PRO, ang mabisa at subok na suplemento na magpapatibay sa kanilang immune system dahil sa taglay nitong mga sangkap. Sundin ang pamamaraan ito sa loob ng 3 hanggang 4 na buwan. Siguruhin din na may dalawang araw sa kada linggo na plain water o malinis na tubig lamang ang iinumin nila. Ang kumpletong pormulasyon ng SET PRO ay sadyang idinisenyo para palusugin at patibayin ang inyong mga alaga. Ang dalawang klase ng gamot na aking nabanggit dito ay dapat na laging magkatuwang para lalong maging mabisa na matulungan ang inyong mga sisiw na makatawid sa edad na sila ay matibay na sa mga sakit pang maaring dumating. Syempre po, malaking bagay din ang Vaccination Program nila laban sa mga nakamamatay na sakit na walang katumbas na gamot, at kasama na dito ang paglinis at pag-disinfect ng kapaligiran ng manukan.
Karamihan po ng mga post na nagpapatulong at nagtatanong ng mga gamot sa mga sakit dito sa Mad Science group ay patungkol po sa mga palahi nilang mga sisiw na unti-unting nauubos, kadalasan dahil sa mga bacterial infections na napapabayaang kumalat at bumiktima sa mga alagang pinaghirapan. Karamihan din dito ay huli na ang lahat bago pa malapatan ng tamang lunas. Ang tamang paraan po ay ang pagbibigay ng tugmang mga gamot para"maiwasan" ang mga sakit na ito, at mga gamot na magpapalakas ng kanilang immune system para pagdating at pagdapo ng sakit ay kaya itong mapaglabanan ng kanilang katawan.
Lagi po ninyong tandaan na kung nais niyong magpalahi o magparami ng alaga, dapat ay lagi kayong handa para hindi kayo nalulungkot at nanghihinayang sa tuwing nangangamatay ang inyong mga palahi sa murang edad pa lamang. Sayang lamang ang inyong pinaghirapan kung hindi niyo seseryusohin ang tamang pagaalaga.
Ugaliin pong tangkilikin ang mga produktong gamot na gawa ng Mad Science, na inyong katuwang sa pagkakaroon ng mga malusog at matitibay na alaga.