20/03/2021
OFW LIVELIHOOD POTENTIAL: THERE IS GOLD IN RABBIT!
Ang Rabbit Farming ay isinusulong ngayun ng Department of Agriculture bilang magandang pangkabuhayan para sa ating mga kababayan. Ang karne ng rabbit ay magandang alternatibo pamalit sa kakulangan ng karne ng baboy sa ating pamilihan. Aking nakita para sa ating mga kapatid na OFW na magandang pangkabuhayan ito sa kanilang pamilya habang sila ay nagtatrabaho sa ibang bansa. Nais ko pong ibahagi sa kanila ang ginagawa ko sa aking Farm kung paano paramihin ang aking mga breeders. Layunin ko po na ipaalam sa kanila ang potensyal ng pag aalaga ng rabbit upang sa ganoon may pamimilian na sila kung nais nilang manatili sa ating bansa kasama ang kanilang pamilya.
Pagpaparami ng Rabbit
Ang rabbit ay napaka prolific, nag-aaverage ng 5 kits per litter at maaring manganak hanggang 5 beses sa loob ng isang taon. Ang stratehiya ko sa aking Farm at itinuturo sa lahat ng nagseseminar sa akin ay pumili ng pinakamaganda, pinakamabilis lumaki na doe sa isang anakan (Selective Breeding) upang gawing breeder. Gagawin mo ang pagpili sa bawat litter na ipapanganak sa lahat ng iyong doe. Sa pamamagitan ng stratehiyang ito dadami ang iyong breeder sa loob lamang ng maigsing panahon. Halimbawa: kung magsisimula ka sa 2 pares ng rabbit at susundin mo ang stratehiya, sa loob ng 3 taon maaaring umabot ng 250 ang iyong breeder. Paano ito mararating? Sa aking assumption 4 na beses lamang ang panganganak ng rabbit sa loob ng isang taon. Kung susundin ang strategy, 4 na breeder doe ang madadagdag sa bawat isang doe sa loob ng isang taon. Sa ibaba ay ang table na nagpapakita ng pagdami ng breeder doe sa loob ng 3 taon. Mainam na magsimula ng 2 pares upang maiwasan ang inbreeding.
RABBIT BREEDERS MULTIPLICATION. The DOC FERDZ ALMAZAN STRATEGY.
-SEE PICTURE (TABLE CHART) BELOW
The strategy is to select the fastest growing female kit in every litter, age 2 months to become a future breeder. Ang actual result ay maaring magbago ayon sa paraan ng pag-aalaga, kalamidad na maaring dumating at sakit na maaring dumapo.
Lagyan natin ng presyo ang ibebentang rabbit. Kung ang halaga ng kakataying rabbit ay P180.00/kg liveweight at may timbang na 2.5kg, ang halaga ay P450.00 bawat rabbit. Ang average na kayang iaanak ng breeder doe ay 20 sa isang taon. Ang kabuuang halaga na iyong mapagbebentahan ay P9,000.00 sa isang inahing rabbit. Ipagpalagay natin na P250.00 ang gastos sa pag-aalaga ng isang pangkatay na rabbit, aabot sa P5,000.00 ang gastos para sa 20 rabbit. Ang NET PROFIT ay P4,000.00 PER DOE PER YEAR. Kung sa loob ng 3 taon ay umabot ng 250 ang iyong inahing rabbit, ang POTENTIAL PROFIT ay P4,000.00 X 250 DOE = P1,000,000.00 sa loob ng isang taon, o 83,333.00 sa bawat buwan.
Kung maisasakatuparan ang estratehiyang aking iminumungkahi, maaaring dagdag kita ito para sa ating mga kapatid na OFW at mga kababayan. Maganda ang hinaharap ng Industriya ng Pagrarabbit na maaring lahukan ng bawat pamilyang Filipino dahil maliit lamang ang panimulang kapital na maaring mapalaki sa maigsing panahon. . May kita ka na, nakatulong ka pa na matugunan ang bumabang supply ng karne sa ating pamilihan. Good luck and Happy Rabbit Farming sa inyong lahat!
DR. FERDINAND M. ALMAZAN
VETERINARIAN/OWNER: ONE FAB RABBIT FARM
San Jose City, Nueva Ecija