04/05/2023
Mga opotunidad sa pag-aalaga ng Rabbit, tinalakay sa BCSHS-Timbao Campus
Pinaunlakan ng Biñan City Senior High School - Timbao Campus ang paghahatid ng kaalaman sa pag-aalaga ng mga rabbit, meat processing pati ang pagluluto ng iba’t ibang putahe, at ang paggawa ng mga iba’t ibang material na produkto galing sa balat ng rabbit.
Pinangunahan ng mga g**o at mag-aaral mula sa Biñan City Senior High School - San Antonio Campus kasama ang Rabbitry Coordinator na si Mr. Enrico S. Omiles ang pagbibigay kaalaman patungkol sa mga benipisyong nabibigay ng rabbit.
Kabilang sa mga inilahad ni Mr. Omiles ay ang maraming nakukuhang bitamina sa rabbit gaya ng Vitamin B12, at Iron, kumpara sa karne ng baboy, gayundin ginagawa ring pataba sa halaman ang dumi ng mga alagang rabbit.
“Kaya’t masasabing walang tapon sa alagang rabbit dahil pati na ang balat nito ay napagkakakitahan dahil ginagawa itong tela na dalawang araw lamang ang proseso sa paggawa” saad ni Omiles.
Ayon pa kay Omiles, ang Local Government Unit ng Biñan, sa pangunguna ni Mayor Arman Dimaguila at ilang department heads ay nagbibreed na ng mga rabbit sa organik farm ng Biñan dahil layunin umano ng Biñan LGU na gawing alternatibo sa karne ng baboy at manok ang rabbit meat.
Bilang suporta sa adhikain na ito, nakisama at nakinig ang mga mag-aaral, g**o at mga magulang sa naturang programa kahapon, Mayo 2, 2023.
Parte din ng programa ang kanilang pagtikim ng iba’t ibang uri ng pagkain mula sa rabbit meat na niluto ng mga mag-aaral mula sa BCSHS-SAC.
Panulat nina: Edelina Montañez, Maylen Espinas, at Ronilyn Joy Bitonga
Kuha ni: Mary Jane Binarao