14/10/2021
AKSYON BANDERA:
ILANG OPISYAL NG BRGY. PAGLAUM, TAYTAY, INIREREKLAMO
Inirereklamo ni Riza Gorada ang ilang Brgy. Officials ng Paglaum, Taytay, matapos na hindi sila bigyan ng barangay certificate para sa lupang kanilang inuukupahan.
Ayon kay Riza, nagkakaagawan na sa lupa at may iba nang umaangkin kaya nais nilang dalhin sa DENR ang usapin para ipa-survey at tukuyin kung sino ang may karapatan sa lupa.
Halos kompleto na sila sa requirements na hinihingi ng DENR para masimulan na ang imbestigasyon pero hindi ito masimulan dahil hindi sila maisyuhan ng barangay certificate na kasama sa mga requirements.
Kwento ni Riza, 25 taon na silang nakatira sa lugar at rehistrado sa Paglaum, Taytay. Hawak din nila ang deed of sale at kasunduan sa barangay tungkol sa nangyaring bilihan ng lupa mula sa sinasabing may ari patungo sa kanyang lolo na si Fortunato Gorada at maging ang tax declaration ay nasa kanila rin.
Tinawagan ni Ka Jerald Gales ang barangay pero nasa ospital daw si Kapitan kaya si Acting Chairman ang sumagot sa tawag. Ayon kay Kagawad Alejo Genanda, hindi nila maisyuhan ang pamilya ni Riza sa dahilang baka raw magka-conflict sa DENR dahil inuna nilang bigyan ng certificate ang isang simbahan na sinasabi nilang pasok sa pinag-aagawang lupain.
Humingi rin ng opinsyon sa DILG si Ka Jerald, at ayon kay Provincial Director Virgilio Tagle, walang dahilan para hindi mag-issue ng brgy. certificate ang Kapitan kung mapapatunayang lihitimo itong residente at may mga dokumento itong maipapakita.
Sabi naman ni Kagawad Genanda na kakausapin nya ang kanilang Kapitan kung papahintulutan syang mag issyu ng certificate ay kanya itong gagawin.
Abangan sa Aksyon Bandera ang kasunod na pagtalakay sa reklamong ito.