16/07/2023
Exactly one year ago daming nagtatanong ukol sa pastel mutation, marami pa rin ba ang interesado dito? Bakit kaya marami ang interesado hindi naman malaki ang presyuhan nito sa merkado?
15
PASTEL - Ano ba meron ka?
Makikitang may sinisipat si Kaplog sa ibunan ni Bino, paikot-ikot, panay ang tapik sa mga nestbox, hinihintay na lumabas ang mga paresan ni Bino. Maya-maya babalikan na naman niya ang mga flight cages at parang may gustong makita o sinisiguro. Nasa aktong binubuksan na niya ang isang nestbox ng bulagain siya ni Bino.
Bino: Huuuy!
Muntik nang makawala ang paresan ni Bino sa pagkagulat ni Kaplog, buti na lang at naisara niya agad ang nestbox.
Kaplog: Ano ka ba? Aatakehin ako sa iyo bro Bino.
Bino: Sandali lang akong nawala at hinatid ko lang mga kids sa mall, binubulabog mo na pala mga ibon ko! Ano ba sinisipat mo diyan ha?
Kaplog: Hinahanap ko yung pastel green mo bro. Natatandaan ko parang meron ka eh.
Bino: Meron diyan bro, tatlong paresan yan.
Kaplog. Wala akong makita eh, meron ka dito pastel opaline, meron ding pastel parblue, may isa ka ditong pastel violet opaline, pero pastel green ang hinahanap ko. Iyong pastel green lang talaga.
Bino: Wala nga yata ako ng pastel green lang bro Kaplog. Pero bakit ba yun ang hanap mo eh dami namang magandang kumbinasyon ng pastel?
Kaplog: May ibinulong kasi sa akin si Bro Rocha nung nakaraan. Kapag gusto mo daw talagang matutunan kung paano gamiting materyales ang isang color mutation DAPAT ALAM mo paano KUMIKILOS ito at DAPAT KABISADO mo ang ORIHINAL na HITSURA nito. Kaya hinahanap ko ang pastel green lang walang kargang kahit ano at hindi pa ito combined with other mutations ika nga.
Bino: Kainggit naman bro Kaplog, sa iyo lang naibulong yan. Di ko yata alam yan ah. Teka uulitin ko lang. Kapag gagawin mong materyales dapat alam mo paano kumikilos ang mutation na iyon at dapat alam mo ang orihinal na hitsura nito, tama ba?
Bago makasagot si Kaplog siya namang tulak ni Rocha sa pinto at makikitang may dalang dalawang boxes na meryendang pastel. Hirit agad si Kaplog…
Kaplog: Kita mo na Bro Bino, iniisip mo pa lang bitbit na agad ni Bro Rocha yan, parang lazada lang hehehe…
Bino: Sarap nga ng pastel na ito Bro Rocha, ito yung originally from Camiguin di ba bro?
Sasagutin na sana ni Rocha si Bino pero sumingit pa rin ng pang-asar si Kaplog.
Kaplog: At least siya merong dalang pastel, yung ibunan mo wala wahahahaha!🤣😁🤣
Bino: Akala mo naman siya meron. Kaya nga panay ang sipat mo diyan sa mga ibon ko kasi naghahanap ka rin dahil wala ka.
Rocha: Teka nga, iba pa yata yang pastel na pinaguusapan niyo sa pastel na dala-dala ko ah…
Bino: Meron ka nga daw kasing naibulong sa kanya Bro Rocha. Kapag meron daw color mutation na gustong gawing materyales ang sabi mo daw ay DAPAT ALAM kung paano KUMIKILOS ito at DAPAT KABISADO ang ORIHINAL na HITSURA nito.
Kaplog: Kaya sinisilip ko Bro Rocha kanina pa ang ibunan nitong si Bino, kasi akala ko meron siyang pastel green lang at wala pang kahalong ibang mutation.
Rocha: Ayuuun, gets ko na pinag-uusapan niyo. Meron nga kasing umuugong na ang pastel ay magandang gawing materyales kaya itong si Kaplog ay naghahanap ng pastel green lang talaga. Kaya lang wala siyang masyadong makita na pastel green lang kasi nga ang tendency ng mga breeder ay agad itong ikakasa sa iba’t ibang mutation tulad ng opaline at iba pa.
Bino: Maganda kasing ikasa agad bro…Marami namang magandang kumbinasyon niya di ba?
Rocha: Maganda sanang paramihin muna ang pastel green lang at saka ito ibangga sa iba’t ibang mutations. Marami sa mga newbies ang hindi nakakaalam kung ano ang orihinal na hitsura ng pastel green sa kadahilanang lahat ng posting ukol sa pastel is already combined with many mutations.
Kaplog: Wait lang Bro Rocha, eh ano naman kung di nila alam ang orihinal na hitsura nito?
Rocha: Ang orihinal na hitsura nito ay ang susi kung paano mo malalaman kung paano kumikilos ang isang mutation. In other words, you will realized how a certain color mutation works if you can see it in its original form.
Napapaisip pa rin si Bino kaya inudyukan niya si Rocha na magbigay ng simpleng halimbawa.
Bino: Bro Rocha, magbigay ka nga ng medyo simpleng halimbawa para mas lalong luminaw.
Rocha: Isipin niyo muna ang wildtype green fischeri bilang halimbawa (uulitin na naman po natin na ang wildtype green lagi ang pagbabasehan), ngayon isipin niyo ang lutino… Ano ang nangyari sa wildtype green fischeri nang kumarga ang ino gene? Balikan niyo ang Kwertikulo 2.
Si Kaplog ang naglakas loob na sumagot.
Kaplog: Sa Kwertikulo 2, malinaw na binanggit na ang ino gene ay pinahinto ang produksyon ng melanin pigment kaya lahat ng black, brown at grey ay hindi sumulpot sa ibon. Ang naiwan na lang ay ang psittacin pigment na siya namang may kinalaman sa produksyon ng dilaw, p**a, pink at orange. Kaya ang naiwan sa ibon ay ang p**ang beak at mask, dilaw na katawan, p**ang mata, puting kuko at paa, resulta - lutino.
Rocha: Tama bro Kaplog, di ba mas madaling maintindihan kung alam mo ang orihinal na hitsura ng bawat color mutations. Ngayon ang kilos ng ino gene ay pinahinto niya completely ang melanin pigment kaya ang terminong ginamit ay Complete Melanin Reduction. Kaya ko binanggit yang CMR o Complete Melanin Reduction ay may mga mutation din kasi na NABABAWASAN lang ang produksyon ng melanin at HINDI tuluyang pinahihinto ito. Ang tawag naman sa mga mutations na ito ay Partial Melanin Reduction o PMR. Isa na nga dito ang Pastel…
Napahinga ng malalim ang dalawa. Dahan-dahang nilalaro sa isip nila ang tinuran ni Rocha. Ang lutino ay pinahinto ng tuluyan ang melanin pigment pero meron palang mga mutations na nababawasan lang at hindi tuluyang pinahihinto ito. Biglang may naalala si Bino…
Bino: Ahhh, kaya pala may mga nagsasabi na ang pastel ay partial ino o parino. Partial nga lang kasi ang pagbawas ng melanin nito.
Kaplog: Oo nga, make sense Bro Bino. Partial ino…parino…
Biglang may naisipi na tanong si Bino at excited na nagsalita.
Bino: Bro Rocha, paanong partial nga pala? I mean may mga percentages ba yan?
Rocha: Panalong tanong Bro Bino! Ayon sa mga dalubhasa at pinagpapalagay natin na ipinadaan nila ito sa masusing pagsusuri, ang pastel daw ay more or less may 50% kabawasan ng melanin.
Biglang tumunog cellphone ni Kaplog. Agad niya itong tiningnan.
Kaplog: Si kaibong Allain LC nag chat, meron daw siyang pastel green na hindi pa combined with other mutations. Galing naman ni pareng Allain paano niya natunugan pinag-uusapan natin hehehe. 🤭
Rocha: Ayan may magagamit na tayo para sa accurate comparison. Mga kaibon see the graphics below.
SUSUNOD - Ang love triangle ng pastel, ino at Dec…🤭🐣😉