24/12/2022
KASO NG ANTHRAX NAKUMPIRMA SA STO. NINO, CAGAYAN; DA RFO 02, PINAG-IINGAT ANG PUBLIKO SA NASABING SAKIT
Kinumpirma ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 ang pagkakaroon ng ka*o ng anthrax sa lalawigan ng Cagayan.
Ito ay matapos ang masusing imbestigasyon na isinagawa ng Provincial Veterinary Office (PVO), Municipal Agriculture Office ng LGU Sto. Niño, Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory at Animal Health and Welfare Unit ng Regulatory Division ng DA RFO 02 kasama ang Department of Health Regional Office 02, kung saan apat na kalabaw ang naitalang namatay sa Brgy. Calassitan, Sto. Niño, Cagayan.
Ayon sa report ng Disease Surveillance Taskforce ng PVO, nakatanggap ng impormasyon ang tanggapan mula sa Livestock Technician ng LGU Sto. Niño, Cagayan noong November 23, 2022 sa nasabing insidente. Ang apat na kalabaw ay nakitaan ng mga sintomas ng anthrax tulad ng biglaang pagkamatay, kawalang ganang kumain, pagiging matamlay o hirap gumalaw at hematuria o presensiya ng dugo sa ihi.
Nito lamang December 16, 2022, ayon sa pagsusuri ay kumpirmadong infected nga ng anthrax ang apat na kalabaw. Dalawa sa mga kalabaw ang nakatay at naibenta pa ng mga may-ari kung saan mayroong umabot ng Brgy. Annafatan, Amulung, Cagayan.
Sa tala ng DOH, nasa 73 katao sa Brgy. Calassitan, Sto. Niño ang exposed at 22 ang may cutaneous lesions o sugat sa balat kung saan sumailalim sila sa isolation at masusing obserbasyon.
Samantala, nasa 60 katao naman ang naexpose sa infected carcass o karne sa Brgy. Annafatan, Amulung na galing sa Brgy. Calassittan, Sto. Niño. Patuloy din ang obserbasyon sa mga exposed na hindi nakitaan ng sintomas ng sakit.
Sinabi ni Dr. Manuel M. Galang Jr., Veterinarian III ng DA RFO 02, “Ang anthrax ay isang mapanganib na sakit na sanhi ng isang uri ng bacteria na nabubuo mula sa isang “spore” na tinatawag na Bacillus anthracis.”
“Apektado sa sakit na ito ang mga ruminants tulad ng kalabaw, baka, kambing, tupa at iba pa. Kabilang din sa mga apektado ay mga kabayo, baboy, a*o, pusa at iba pang mga wild herbivores,” aniya.
“Kabilang sa mga senyales ng anthrax sa mga apektadong hayop ang biglaang pagkamatay, hirap sa paghinga, lagnat, seizures, sakit sa puso, pagdurugo at postmortem lesions.”
Maaaring mailipat ang impeksyon na dulot ng anthrax sa tao sa pamamagitan ng cutaneous contact, ingestion at inhalation.
Paltos o bukol na nangangati, skin sore sa mukha, leeg, bra*o at mga kamay, lagnat, chills, pagkahilo, sakit ng ulo, pananakit ng katawan, sore throat, pamamaga ng leeg o glands, pananakit ng tiyan, pagsusuka, diarrhea at iba pa ang mga sintomas ng human infection.
Maiiwasan ang anthrax sa pamamagitan ng vaccination at agarang pag-dispose sa mga katawan ng namatay na hayop sa pamamagitan ng pagsunog o paglibing sa malalim na hukay. Maaari namang malunasan ang sakit sa pamamagitan ng agarang medical intervention at paggamit ng antibiotics.
Dahil dito, pinapayuhan ng DA RFO 02 ang lahat na mag-ingat at maging responsable sa pag-aalaga ng mga hayop at ireport kaagad sa kinauukulan kung mayroong mga naobserbahan sa mga sintomas na nabanggit.
Kasalukuyan ang malawakang information dissemination kung paano maiiwasan ang sakit at kung ano ang mga dapat na hakbang sa pag iingat kung sakaling magkaroon ng outbreak. Nagkaroon din ng inisyal na anthrax massive vaccination sa mga animals-at-risk noong December 16, 2022 sa mga apektadong lugar sa pangunguna ng DA RFO 02. # (Via Dane Garcia, DA RAFIS 02)
Reference:
DR. MANUEL M. GALANG JR.
Veterinarian III
O917-1048-377