22/04/2021
HAUNTED HOUSE NG MALAYBALAY 3
Sorry po talaga ulit kung di kaya ng isang bagsakan lang. Kahit ako man ay gusto din ng isang bagsakan na lang pero ayaw talaga ni messenger eh. Saka nakalimutan ko pong banggitin sa 1st at 2nd part ng kwento, namatay po yung a*o kong si Hotdog. Bigla kasi siyang nagsuka ng dugo. Di ko alam kung bakit. Saka TOTOO pong nangyari ito. Di po ito gawa gawa lang. Kaya po natatandaan ko pa din yung date kasi mahilig talaga ako sa pagsusulat ng diary simula pa noon. Nakita ko po kasi yung diary ko noong 2014 dito sa cabinet kaya naisipan kong ikwento ito at nalalagay ko tamang petsa kung kelan nangyari. Send ko na lang agad po yung next part. Salamat at pasensya na po ulit.
-
Tinanong ko si Rita kung para saan yung mga binigay niya sa amin.
Ako: Pero bakit? Para saan?
Rita: Proteksyon niyo iyon. Saka magdasal din kayong lahat. Lalo na ikaw at yung bunso niyo. Nga pala yung bunso niyo, asan?
Ako: Nasa taas, bakit?
Rita: Kanina pa?
Ako: Oo. Kanina pa.
Rita: Kunin mo siya, may batang umakyat sa hagdan ngayon lang! Akala ko kapatid mo yun!!
Agad naman akong napatakbo sa taas na siya ring pagsigaw ni mama dahil nasa bintana na nakatayo si Daniel at akmang tatalon na sa bintana ng mahablot ko ang kamay nito. Sumigaw naman si Rita mula sa labas ng "WAG NIYO SILANG GAMBALAIN! WALA SILANG KASALANAN SA INYO! DOON KAYO SA TAONG MAY GAWA NYAN SA INYO!". Kinarga ko na si Daniel pababa ng biglang, sumigaw ito.
Daniel: ATE! MAY MUMU!! ATE BILIS!
Napatakbo naman ako ng mabilis pababa dahil na din sa gusto kong ilayo si Daniel sa kung anuman yung humahabol sa amin. Iyak ng iyak si Mama noon dahil sa takot. Nung medyo kumalma na kami, may ibinigay sa akin na dalawang kwintas si Rita. Sabi niya, yung isa daw para kay Daniel at yung isa ay para sa akin. Bigay daw yun ng papa niya para sa amin kasi naikwento nga daw ito ni Rita sa kanya. Manggagamot kasi ang tatay niya.
Kinagabihan, ikinabit na ni mama sa dalawang pintuan ang mga wind chime na bigay ni Rita sa amin. Nagsaboy na din kami ng asin sa labas at doon sa may yero. Tinanggal na din namin ang salamin. Pati na yung nasa kwarto namin ni Jessa, tinanggal na din ni mama. Suot na namin ni Daniel ang kwintas kasi ang sabi ni Rita, mapoproteksyunan kami nito laban sa mga elementong iyon. Magpaparamdam sila pero di na sila makakalapit sa amin. Sinabihan niya din sila mama na maglagay ng asin sa bulsa nila.
Bandang 9pm na pero nasa sala pa din ako noon at nanonood ng Vampire Diaries habang gumagawa ng aking report ng biglang, namatay ang TV at may sumipa ng pintuan sa kusina ng sobrang lakas. Hanggang sa pagtingin ko sa may banyo, biglang napunta yung dulo na bahagi ng kurtina sa itaas. Hindi ito bumababa. Nagdasal na lang ako habang dinadial ang number ni papa kahit na nasa kwarto lang naman ito. Hindi ko na nagawang sumigaw pa dahil na din sa nagdadasal ako habang hawak ko ang proteksyon ko na bigay ni Rita. Unti unti ng bumababa ang kurtina at gumawa ito ng pigura na animoy may taong nagtatago dito. Bigla akong sumigaw ng "LUBAYAN MO KAMI. LUBAYAN NIYO ANG PAMILYA KO! SA NGALAN NG PANGINOON AT NI HESU KRISTO, INUUTUSAN KITANG UMALIS SA BAHAY NA ITO AT LUBAYAN ANG PAMILYA KO!!" Agad namang napatakbo sina Papa pababa habang karga karga si Daniel, na siya ring pagkawala ng kung anumang nilalang na nagtatago sa likod ng kurtina na iyon. Niyakap ako ni mama. Tinanong niya ako kung ayos lang daw ba ako. Tumango naman ako.
Kinabukasan, naisipan ni mama na tanggalin muna yung yero na nakaharang sa gilid ng bahay kasi sobrang dumi na nito. Andaming tuyong dahon at gusto rin ni mama na palakihin yung butas doon kung saan, doon nahuhulog yung mga dumi galing sa lababo. Inutusan niya yung kapatid kong si JC, pangatlo saming magkakapatid. Nilisan na namin yung gilid ng bahay at sinunog yung mga tuyong dahon doon. General cleaning daw yun sabi ni mama hahaha. Tapos si JC naman, naghukay na. Habang naghuhukay siya ng butas, may natamaan siya ilalim. Sabi niya, parang kahon daw na kahoy yung natamaan niya. Sinadya niyang patamaan ito ulit ng pala at ng maramdaman niyang parang nagkabutas ito, biglang umalingasaw yung amoy. Amoy ng patay na nabubulok. Kaya tumakbo yung kapatid ko sa banyo dahil di niya makayanan yung amoy. Ilang araw ang lumipas mula noong nilinisan namin ang gilid ng bahay, napansin namin si mama na parang nanghihina.
Dumaan pa ang mga araw, nanatili pa ring matamlay si mama na animo'y parang may iniindang sakit ngunit ayaw lang nitong sabihin. Wala sina Jessa at JC sa bahay dahil nagbasketball kasama yung mga pinsan namin. Si papa naman, umalis muna. Namili ng groceries sa bahay. Isasama niya sana si Mama ka*o, ayaw ni mama kasi daw masama ang pakiramdam niya kaya kaming tatlo lang nina mama ang naiwan.
Ako: Ma, ayos ka lang ba?
Mama: Ewan ko ba. Para akong lalagnatin ata, ang lamig kasi ng nararamdaman ko.
Ako: Magpahinga na lang po muna kayo. Ako na bahala dito maglinis.
Mama: Oh sige. Saka mamaya, pag uwi nila Jessa, punta ka muna doon sa Lola mo. May pinapakuha kasi siyang ulam daw doon. Para di na tayo magluluto mamayang hapunan.
Ako: Opo ma. Nga po pala, suotin niyo po ito.
Mama: Pero bigay sa iyo yan ni Rita. Proteksyon mo yan diba?
Ako: Wag na po kayong mag alala sa akin. Di na po ako natatakot. Saka, mas malakas ata ang Panginoon sa kanila noh. Magdadasal lang po ako ma. Ayoko lang kasi na may mangyari sa'yo o sa inyong lahat. Palamura ka pa naman hahaha.
Binibiro ko lang si Mama dahil gusto ko siyang makitang tumawa. Pero totoo, ayoko lang kasing may mangyaring masama sa kanila. Mayamaya pay nakauwi na sina Jessa kaya umalis na din ako. Nakwento ko sa Lola at Lolo ko yung nararanasan namin sa bahay na yun.
Lola: Umalis na kayo dun. Kakausapin ko si papa mo na umalis na kayo dun. Wag niyo ng hintayin na may mangyari pa sa inyo.
Nasa kalagitnaan kami ng pag uusap ni Lola ng biglang tumawag si Jessa.
Jessa: Ate, si Mama. Papunta sila ni papa sa ospital. Sa provincial. Bigla kasing hinimatay si mama.
Ako: Ano? Teka, pauwi na ako. Wag kayong umalis dyan sa bahay ha? Kukunin ko kayo dyan para makasunod ako dun kila papa.
Papa*ok pa lang ako ng bahay nang may naaninag ako sa screen ng TV. May repleksyon akong nakita na nakatayo sa harapan ko. Huminga muna ako ng malalim saka nagdasal ng mataimtim. Tumakbo ako ng kwarto para kunin ang mga kapatid ko. Nung puma*ok ako sa kwarto nina Mama, nakita ko sila Jessa nag iiyakan. Tinanong ko sila kung bakit, sabi ni Jessa eh natatakot daw sila kasi may babae daw sa baba na nakatayo sa may pintuan. Saka nag aalala daw sila kay mama kasi sabi daw ni mama bago siya hinimatay, may hagdan daw siyang nakikita sa langit. Pinakalma ko lang sila. Sabi ko humawak lang silang tatlo sa akin. Nung nakababa na kami, kinuha ko agad yung asin sa may lababo at isinaboy ito hanggang sa makalabas kami. Agad ko namang kinandado yung bahay saka umalis.
Nakarating na kami kina Lola at iniwan ko muna doon ang mga kapatid ko saka pinuntahan sila mama sa ospital. Pagdating ko doon, okay na si Mama. Sabi ni papa, pinagtulong tulungan na siya ng mga nurse at doktor dahil wala ng blood pressure si mama. Buti na lang daw eh may nurse na nagsuggest na baliktarin yung posisyon ni mama. Itinaas daw nila ang paa ni mama at saka siya kinuhanan daw ng BP ulit. Nung una naging 60 palpatory daw hanggang sa naging 80/60 at umakyat na ng 110/80. Kaya nilipat na siya sa private room. Sinabihan ko si papa na kapag nakalabas na si mama, umalis na kami sa bahay na yun.
5 araw namalagi si mama sa ospital hanggang sa nadischarge siya. Andaming tests ang ginawa kay mama noong nasa ospital pa kami pero peptic ulcer lang yung diagnosis sa kanya. Nagtataka lang ako kasi kung ulcer yung sakit niya, bakit halos mawalan na siya ng BP? Nanlalamig katawan niya? Namumutla? Saka di naman siya umiinda na masakit tiyan niya these past few days? Di ko talaga maintindihan. Pinagsawalang bahala ko na lang yung mga agam agam ko na yun. Ang importante, okay na siya. Pag uwi namin ng bahay, agad kaming sinalubong ni aling gloria na galit na galit. Bakit daw binuksan at tinanggal namin yung yero na hinarang niya doon.
Aling Gloria: Sinabihan ko na kayo hindi ba na wag na wag niyong tatanggalin yan?!
Papa: Nilinisan lang kasi ng mga anak ko po yan Aling Gloria. Marami na kasing basura at tuyong dahon.
Aling Gloria: Wala akong pakialam. Kahit pa gabundok na yang basura at tuyong dahon dyan, kapag sinabi kong wag niyong bubuksan dapat wag niyong buksan! Wala na akong magagawa kung ganito lang din naman kayo. Ang gusto ko, mag impake na kayo at umalis na dito sa bahay ko. Di kayo marunong sumunod sa utos! Bibigyan ko kayo ng 3 araw na lang na mamalagi dito. Tapusin niyo nalang yung huling ibinayad niyo.
Ako: Mawalang galang na po Aling Gloria, hindi niyo naman po kelangan na magsisigaw pa at padabog na sagutin si Papa. Opo, aalis naman na po talaga kami dito Aling Gloria. Hindi niyo na po kelangan pang sabihin yan. Pero may itatanong lang po ako sa inyo, ano bang meron dyan sa gilid na yan na ayaw niyong malaman namin kaya galit na galit po kayo dahil tinanggal namin ang yero na nakaharang dyan? May tinatago po ba kayo dito kaya itong bahay na ito, walang nagtatagal dito na tumira? Yung kahon na nasa ilalim ng lupa malapit sa butas na nakatapat sa lababo, ano yun?? Bakit simula noong natamaan ng kapatid ko 'yun ng pala, may umalingasaw bigla na mabahong amoy?? Ngayon sagutin niyo po yung tanong ko. Saka, bakit lahat na lang sa bahay na ito eh magkakatapat? Mula sa bintana at pinto, sa mga pintuan na magkatapat din, at sa mga salamin na nakaharap sa mga pintuan. Bakit may kung anong elemento kaming nararamdaman sa bahay na ito? Yung a*o kung si Hotdog, sobrang lakas pa nun bago kami lumipat dito. Pero nung nakalipat na kami, siya unang nagkasakit hanggang sa mamatay siya. Kahit yung veterinarian, di alam kung anong nangyari sa kanya. Bakit may nakikita kaming itim na anino dito sa may hagdan minsan? Sino yung batang lalake at babae na minsan na naming nakita lahat dito? Bakit malas ang bahay na ito? Sagutin niyo ako.
Biglang nanlaki ang mata ni Aling Gloria sa mga sinabi kong iyon.
Aling Gloria: W-wala na tayong dapat pang pag usapan at hindi malas ang bahay ko na ito. Basta ang gusto ko pagkatapos ng 3 araw, umalis na kayo dito.
Agad naman itong umalis. Alam kong may tinatago talaga siya amin. Hindi ako pwedeng magkamali doon. Kinabukasan, pumunta sa bahay yung kasama ni Papa sa trabaho. Tinanong naman ito ni Papa kung may alam ba siyang pwede naming lipatan. Tawagin na lang nating Tito Clyde.
Tito Clyde: Oo pre, meron. Bakit? Aalis na kayo dito?
Papa: Oo eh. Pinapaalis na kasi kami ng may ari nito. Eh kahit naman na di niya pa kami pinapaalis, aalis pa din kami dito. Sobrang malas ng bahay na ito eh.
Tito Clyde: Ganun ba? Sa totoo lang, dito din kasi kami nakatira noon. Kung alam ko lang na dito pala kayo lilipat, dapat pala eh binalaan ko na kayo.
Papa: Bakit pre? Ano ba meron sa bahay na ito?
Tito Clyde: Nung nakatira kasi kami ng pamilya ko noon dito, yung 2 kong anak na babae palaging ginagambala daw ng kung anong elemento mang nandito. Eh hindi naman kami nagpapaniwala sa mga ganyan talaga ka*o yung mga anak ko eh puro na dalaga yun at saka di naman matatakutin yun pero nung nakatira kami dito, gabi gabi na lang talaga sila nagsisiiyakan dahil nga may nakikita silang anino ng tao o di kaya ay bata na tumatakbo. At ang mas nakakabahala pa ay tuwing matutulog daw sila, sabay pa silang binabangungot. Kesyo, may babae daw na nakadagan sa kanila na nanlilisik yung mata at may dugo pang lumalabas dito. Tapos yung ngiti daw eh abot hanggang tenga. Yung tipong hiniwa yung bibig hanggang tenga. Yun ang sinabi ng mga anak ko. Kaya di na kami nakatiis, talagang umalis na kami.
Papa: Kami nga din eh. Simula nung tumira kami dito, puro malas ang nangyayari samin at at araw man o gabi palaging ginagambala ang pamilya ko. Minsan nga yung mga gamit namin sa kusina eh pinapakialaman. Magigising na lang kami na magulo na kahit inayos naman ito ng asawa ko bago kami umakyat ng kwarto.
Di na ako nakatiis sa pakikinig lang kasi naghuhugas ako ng pinggan noon nung nag uusap sila. Kaya kinwento ko din sa kanila yung nangyari sa gilid ng bahay nung naglilinis kami.
Tito Clyde: Hindi kaya may nangyari sa bahay na ito na ayaw nilang malaman natin?
Papa: Yun nga rin sa tingin ko pre.
Tito Clyde: Umalis na kayo dito pre. Baka mapahamak pa kayo sa bahay na ito.
Kinagabihan, nag ayos na kami ng gamit namin. Uuwi muna kami doon sa Lolo at Lola ko. Dala namin ang iba naming mga damit at gamit. Yung kayang bitbitin lang. Doon muna kami matutulog tapos bukas na namin babalikan ang iba pa naming gamit. Kinabukasan, pagdating namin sa bahay andun si Aling Gloria. Inayos niya yung yero na tinanggal namin sa gilid ng bahay. Binalik niya iyon sa dating ayos. Hindi niya kami pinansin basta patuloy lang siya sa pag aayos noon. Nilapitan siya ni Papa. Nagpaalam na kukunin na namin ang lahat ng gamit namin dahil aalis na kami at nagpasalamat dahil sa pagpapatira sa amin doon. Tumango lang ito bilang pagsagot kay papa.
Nakarating na yung sasakyan na pagkakargahan namin saming mga gamit. Sa wakas, makakaalis na din kami dito. Habang abala kami sa pag lalabas ng gamit namin, umalis na si Aling Gloria. Tapos na niyang ayusin yung yero. Talagang hinigpitan na niya yung pagkakatali nito sa mga pader. Yung tipong kahit anong gawin mong bukas eh, mahihirapan ka talaga. Nakarga na lahat ng gamit namin sa sasakyan ng biglang nagtext sa akin si Rita.
Rita: Be, asan ka?
Ako: Uuwi na kami doon sa Lolo't Lola ko be. Aalis na kami dito sa bahay na tinitirhan namin.
Rita: Mabuti naman kung ganun. Bago kayo umalis, mag alay ka muna ng dasal sa bahay na yan ha? At pakiusapan na wag na silang sumunod sa inyo at sabihin mo din sa kanila na kung anuman ang nangyari sa kanila noon, wala kayong kinalaman. Doon sila maningil sa taong gumawa nu'n sa kanila saka ipagtirik mo din sila ng kandila.
Ako: Sige. Salamat talaga ng marami Rita ah?
Agad ko namang ginawa yung sinabi niya. Ilang buwan na ang nakalipas simula noong umalis kami sa bahay na iyon, nabalitaan namin na pumanaw na pala si Aling Gloria. Ang sabi, binangungot daw ito doon mismo sa bahay na tinirhan namin. Doon kasi daw siya natulog nung gabing iyon bago siya pumanaw. Sabi nung pinsan kong si Aya na nakatira lang malapit sa kanila, may papel daw na nakuha sa kamay nito. Ang sabi, may nakasulat daw doon na "KALOT YUTA LABABO" (HUKAY LUPA LABABO). Kaya kinabukasan, yung kasambahay niya daw eh nagtawag ng mga lalakeng pwede niyang utusan na hukayin yung nasa gilid ng bahay na kung saan ay nakatapat yung lababo. Yung hinukay nung kapatid ko na may natamaan siyang kahon na gawa sa kahoy. Nung nahukay na nila, laking gulat daw nila na ang laman pala ng kahon na iyon ay buto ng mga tao. Buto ng matanda at buto ng isang bata. Pinuntahan nga daw ng mga pulis yung mga anak ni Aling Gloria para maimbestigahan. Tinanong ko siya kung may nakulong ba sa kanila o kung may alam ba siya sa naging imbestigasyon ng mga pulis. Pero sabi niya wala daw. Biglang naging tahimik daw yung ka*o eh.
Ngayon, may asawa na ako at kakauwi lang namin noong 2019 dito sa Bukidnon. Sabi nung kapatid ko, pinaparentahan ulit nung pamilya ni Aling Gloria yung bahay. 1,000 pesos per month na lang daw. Sabi ko naman sa kanya, kahit umabot pa ng piso na lang per month yung renta ng bahay na iyon, di na ako ulit titira doon.
Dito na po nagtatapos ang kwento. Sorry po kung masyadong mahaba at putol putol pa ang kwento. Sorry po talaga at maraming salamat sa pagbabasa. Salamat din po Spookify admins sa pagpost ng kwento ko pong ito.
Shoutout nga po pala sa mga readers na sumubaybay talaga sa kwento ko na sina:
- Ojas de Lagrimaz
- Kriz Angeli
- Khim Reyes
- GleFoy Badion Bernal Docallos
- Grace Mata Ruiz
At sa lahat ng mga bisayang bumasa ng kwento ko especially sa mga taga Bukidnon. Sa mga hindi ko po namention, salamat din po sa inyo. Mahal ko po kayong lahat. Sa uulitin.
- Levi