03/05/2020
Water shock?
Walang ganon bro! Pero nilista ko na rin yung mga maaaring pumatay o mag-stress sa mga isda natin pag mali o walang acclimation o kaya naman mali ang pag water change natin.
Ammonia Spike/Poisoning – Ang ammonia ay nakakamatay para sa kahit na anong isda. Ano ang ammonia spike? Pag wala o biglang nawala ang mga beneficial bacteria sa biological filter natin, possibleng biglang tumaas ang level ng ammonia sa mga tanke natin. Tandaan na ang chlorine ay pumapatay ng beneficial bacteria. Kapag hindi na alis ang chlorine sa tubig na inilalagay sa tangke, papatayin ng chlorine ang mga beneficial bacteria. Ang mga beneficial bacteria kasi ay ang nag aalis ng ammonia sa tubig natin. Nagkaka ammonia naman pag nabubulok ang mga natirang pagkain at mga dumi ng mga isda natin. Para maiwasan ito, siguraduhing palaging cycled ang tangke at buhay ang mga beneficial bacteria.
Nitrite Poisoning – Ang nitrite ay nakakamatay din para sa kahit na anong isda. Tulad ng ammonia, ito din ay inaaalis ng mga beneficial bacteria. Para maiwasan ito, siguraduhing buhay ang mga beneficial bacteria sa biological filter natin. Pareho lang sa pag-iwas sa ammonia ang pag iwas sa nitrite.
Nitrate Poisoning / Nitrate Shock – Ang nitrate naman ay ang byproduct o resulta ng pag alis ng beneficial bacteria sa ammonia at nitrate. Inaaalis ang Nitrate sa pamamagitan ng water change. Ito ang dahilan kung bakit tayo palagi nagpapalit ang tubig. Hindi man ito nakakamatay agad-agad, ang exposure sa mataas na level ng nitrate sa loob ng matagal na panahon ay nakakasama at nakamamatay pa rin para sa mga isda. ps. Nakakabansot din ito.
Ang Nitrate shock naman ay ang biglaang pag lagay sa isang isda sa tubig na kung saan ang level ng nitrate ay malayo sa level na nakasanayan niya. Halimbawa, isang goldfish ay nabubuhay sa tangke na may 40ppm na nitrate, tapos bigla mo siyang nilipat sa tangke na may 400ppm na nitrate level, maaari itong ma-shock sa biglaang pag-taas ng level ng nitrate at magkasakit o mamatay.
pH Shock – Ano ba ng pH? Hindi yan shortened version ng pilipinas. ang pH ay ang ginagamit upang sukatin ang level ng acidity ng tubig (liquids) natin. Kapag mas mataas ang pH (above 7) ito ay nagiging alkaline, o may mababang acidity level. Kung ang pH naman ay mababa (below 7) ito naman ay acidic. 7 ay ang neutral o katamtamang level nito. Yes baliktad po talaga ang basa sa kanya. Kung biglang mag-iba ang level ng pH kung saan nakalagay ang ating mga isda, maaari silang ma-stress, magkasakit at mamatay. Maiiwasan ito sa pag lagay ng mga pang “buffer” tulad ng crushed corals. Maaari din unti-unting i-acclimate ang isda. Lagi rin nating tandaan na kapag mas mataas ang pH level ng tubig, mas toxic ang ammonia para sa mga isda.
Temperature/Thermal Shock – Maaari ding ma-stress, at mamatay ang mga alaga natin sa biglang pagtaas o pagbaba ng temperature. Kadalasan, hindi naman gaano uminit ng sobra ang tubig sa pilipinas dahil nasa tropical country tayo. So mas concerned tayo sa biglang pag bagsak ng temp o ang biglaang pag-lamig ng tubig. May mga isda na hindi gaano malakas ang tolerance sa biglaang pag talon ng temp tulad ng mga stingray (potamotrygon). Maiiwasan ito sa pag dahan-dahan na water change at acclimation. Mapapanatili din nating consistent ang temp ng tubig natin sa pamamagitan ng pag gamit ng aquarium heaters.
Tandaan din natin na may mga temperate/subtropical fish na kadalasang nakikita sa hobby. Ang mga isdang ito naman ay ang mga may ayaw sa masyadong mainit na tubig. Example: Sterlet/Sturgeon/Chinese Hi Fin/Some Goonch,/ Some Channas/Paddle Fish etc.
Electric Shock – O sige isama na natin, trip lang. Tao nga namamatay pag nakukuryente, isda pa kaya. Sinigang. Lol.
In short, maiiwasan natin ang mga ito kung tama ang acclimation at water change routine natin. Depende sa stocking ng tanke, filtration system and feeding habits natin ang water change schedule at amount. Kadalasan, baseline ang 25%-50% na water change per week. Wag mag madali at siguraduhin na walang chlorine ang tubig para hindi mamatay ang beneficial bacteria at hindi mabigla ang mga isda.
Pag dating naman sap ag lipat o pag introduce ng mga bagong isda, siguraduhing i-acclimate ito ng mabuti. Temperature acclimate ay ang pag pa-lutang sa plastic sa loob ng tangke para pumantay ang temp nung tubig sa loob at labas nung plastic. Habang ang proper water acclimation naman ay ang pag salin ng tubig, pa-unti-unti sa loob ng lalagyan ng isda bago sila pakawalan sa tangke. May mga videos at articles dito about that.
Sa mga affected o butthurt sa “water shock”, ayan, inexplain ko na. 🙂 di kasi tayo puro reklamo pero wala namang ambag. Haha!
Kung may gusto kayo idag-dag or I-correct, feel free to comment!